Carry 1, Borrow 1
July 13, 2009 by jemgurl
Anim na taong gulang ako noon nang magsimula ang lahat. Nakatira kami sa San Marcos na mas kilala sa tawag na Tikew. Katabi ng bahay namin ay simbahan. Sa kabilang gilid naman ng simbahan ay bahay ng aking mga kamag anak. May isang bakanteng bahay din sa may bandang likod na kamag anak din namin ang nagmamay ari. Walang nakatira sa bahay na iyon na may malawak na bakuran.
Isang araw, habang kasalukuyang naglalaro kami ng piko ng aking pinsan at isa pang kalaro, ay may bigla na lamang tumigil na isang jeepney sa harapan ng bakanteng bahay. Punong puno ito na naglalaman ng maraming gamit na tila sila na ang titira sa bahay na madalas naming paglaruan ng taguan. Napatigil kami sa aming paglalaro at bigla napatitig sa mga taong nagbubuhat ng gamit. Mga dalawang lalaki ang nagbubuhat na tila nasa trenta y singko at deisi sais ang edad, isang babae na parang humigit kumulang sa trenta ang gulang, isang batang babaena siyam na taong gulang at lalaki na nasa anim na taong gulang na tumutulong din paghahakot ng gamit. Hindi na namin naituloy ang aming paglalaro dahil sa panonood sa mga naglilipat-bahay hanggang sa narinig ko na ang sitsit at sipol ng aking mga magulang na hudyat na kailangan ko ng umuwi para kumain ng hapunan.
Minsan habang naglalaro kami ng piko sa harap ng dating bakanteng bahay, ang batang lalaki ay nakatingin sa amin na parang gusto sumali sa amin. Tinanong sya ng pinsan ko kung gusto niyang sumali samin ngunit sya ay umayaw. Hindi raw sya pwedeng maglaro sa kadahilanang wala pa raw ang nanay nya na nasa palengke at walang tatao sa bahay nila kaya hindi pa sya pwedeng lumabas. Sa halip ay nagkwentuhan na lang kami habang sya ay nasa may bintana nila at kami naman ng pinsan ko at isa pang kalaro na babae ay nasa labas ng bahay na nakahilera ng naka-skwat sa nakatumbang kawayan sa may tabihan nila. Bino pala ang pangalan nya at nag-aaral sa San Pablo Central School sa unang baitang. Medyo balingkinitan ang kanyang katawan, tuwid ang mga buhok na parang korteng bao, mapusyaw ang kulay ng balat at sa tingin ko sya na ang pinakamahitsurang batang lalaki sa aming palibutan. Mukhang uhugin kasi ang iba sa kanila. Kami naman ay sa Mababang Paaralan ng San Marcos nag aaral at nasa unang baiting din katulad niya. Nagkakwentuhan kami ng medyo matagal hanggang umabot na sa tuksuhan. “Eh ikaw nga butas pa ang short mo eh! Kita pa ang panty”, sambit nya sa akin sabay tawa. “Hindi kaya… ang yabang nito!” ang sabi ko naman sabay alis at uwi sa bahay. Kunwari ay nagtatampo sa kanya pero ang totoo ay talagang butas ang short ko noon. Ewan ko ba kung bakit halos lahat yata ng short ko noong bata pa ako ay butas ang pundiyo.
Nang sumunod na araw ay naglalaro na naman kami ng mga pinsan ko sa dati paring lugar. Gusto nya sumali pero ayaw ko kasi parang napahiya ako noong unang beses naming nagkausap. Gusto rin sumali ng ate nya. “Hindi ka na pwedeng sumali kasi apat na kami ng ate mo, beh…” sambit ko sa kanya. “Pwede naman kahit lima tayo, tatlo-dalawa” ang tugon naman nya. Hanggang sa pinilit na rin ako ng aking mga kalaro na isali siya upang makapag simula na kami. “Black and white, black and white”. Naging kakampi ko sya. Kaming dalawa. Medyo naiinis ako na kinikilig kasi sya ang naging kakampi ko. Sya ang father at ako naman ang mother. Sa kabilang grupo naman ay meron ding mother, father at baby kahit na puro babae sila. Naging masaya naman ang aming unang paglalaro. Ang unang laro naming iyon ay nasundan pa ng maraming laro.
Minsan kaming dalawa lang ang nagkita sa aming lugar laruan – sa harap ng bahay nila na malapit sa kalsada papuntang liso-liso. Wala ang pinsan ko dahil pinagsasaing sya ng ate nya. Wala rin ang isa naming kapitbahay dahil sya ay kasalukuyang nag-iigib ng tubig sa bahay ng lola nya. Hindi kami makapaglaro ng piko dahil dalawa lang kami. Hindi masaya. Imbis, nagpunta na lang kami sa likod ng bahay nila kung saan ay malapit sa kusina ng pinsan ko na nagsasaing. Nagtanong sya sakin kung nag-aral na raw ba kami ng carry sa aming paaralan. Sabi ko naman, “anong keri? Hindi ko pa alam ‘yun”. Tinuruan nya ako at ang sabi nya. “Eto yun, kunwari 19 plus 3. Ano ang 9 + 3?” “12” ang wika ko. “Yung 2 ay ilalagay mo dito sa ilalim ng guhit tapos yung 1 naman ay ilalagay mo dito (sa taas ng 1). Yung 1 ang iyong carry. Tapos 1 + 1 = 2. So ang sagot ay 22”.
Halos tuwing hapon ay ganito ang usapan namin. Hindi na kami nakakapaglaro ng piko dahil sa iba na ang aming pinagkakaabalahan. Nagkukumparahan kami ng mga inaaral namin sa aming kanya-kanyang paaralan at nagtuturuan kung may pagkakaiba man. Dahil sa ayaw kong isipin nya na mahina ako sa Math, tuwing hapon ay tinatanong ko ang aking ina kung ano pa ang mas mahirap na mga tanong sa addition ang pwede kong matutunan. Sabi ng aking ina na halos parepareho lang ang ginagawa kung addition of 2 digits, 3 digits o kaya 4 digits ang aming gagawin. Sabi ng aking ina, “turuan na lang kita ng iba”.
Kinahapunan ng sumunod na araw, handang handa na ako sa aming kumparahan. “Bino, marunong ka na ba ng borrow 1?” “Hindi pa” tugon nya. “Ahh sige turuan kita”. Ako naman ang nagturo sa kanya kung paano gumagana ang borrow 1. Simula noon ay naging interesado na ako sa Matematika dahil pinipilit kong makipag tagisan ng talino sa kanya. Simula rin noon ay tinutukso na kami ng aming mga kalaro dahil sa aming pagtatagpo tuwing hapon. Dahil sa mga musmos pa kami, na-ilang kami sa isa’t isa at hindi na nagkibuan.
Sa kadahilanan na hindi na kami nakakapag usap, lagi na lang akong nasa terrace namin sa pangalawang palapag ng bahay namin at tinatanaw ko na lang ang pagbaba n’ya ng jeep galing sa eskwela. Sadyang likas na matalino si Bino kaya hinangaan ko sya. Naging 3rd honor pa sya noong graduation sa eskwelahan nila na may humigit kumulang na isang libong estudyante ang nag aaral. Nakapasa sya sa UP Rural na sa tingin ko noon (at kahit hanggang ngayon) ay sadyang matatalino lang ang nakakapag-aral doon. Samantalang ako ay 3rd honor din naman noong graduation namin at sa Laguna College mag aaral ng sekondarya. “Hindi na bale”, ang sabi ko sa sarili ko. “Maaabutan ko rin sya… “. Pinilit kong mag aral ng mabuti para makapag aral ako sa UP Los Banos kung saan sya mag aaral ng pagiging enhenyero. Civil Engineering ang kinuha nya samantalang BS Mathematics naman ako. Talagang naging inspirasyon ko ang mga hapong lagi kaming nagtuturuan.
Nagkaroon kami ng kanya kanyang buhay sa UPLB. Pinipilit kong maipasa ang halos lahat ng asignatura na meron ako kada semestre. Gusto ko patunayanan sa kanya na kaya kong makipagsabayan sa kung ano mang mararating nya. Alam ko kasing magiging matagumpay sya sa kung ano mang trabaho ang makukuha nya dahil sa matalino sya.
Sumali sya sa isang kilalang fraternity samantalang ako ay miyembro naman ng Samahan ng Mag-aaral ng Matematika. Nang nasa huling taon na ako ng aking pag aaral, nagkaroon ng kaguluhan ang grupo nila at isa pa ring sikat na grupo sa UP. Nagkaron ng bugbugan, suntukan, habulan, at tapunan ng pillbox. Dumaan pa nga sa harapan namin ang mga kalalakihang naghahabulan noon. Hindi ko naman alam na kasali pala sya doon. Balita ko ay may namatay pa yatang isa ring kapwa naming estudyante na kasangkot din sa gulo. Dahil sa isa siya sa mga namumuno ng grupo nila, napatalsik s’ya sa aming paaralan. Hindi nya natapos ang kurso nya na Civil Engineering. Hindi sya nakatapos sa UP. Hindi nya natupad ang isa sa mga pangarap nya. Nakapanghihinayang, nakapang lulumo pero iyan ang katotohanan. Hindi na pwedeng makipagsabayan sa kanya dahil para s’yang agila na natamaan ng bato at biglang bumagsak sa lupa.
Hindi ko na alam kung ano na ang nangyari sa kanya pagkatapos ng mga kaganapan na iyon. Lumipat na rin kasi sila ng bahay pagkatapos mamatay ng kanyang butihing ina. Ang kapatid naman nya ay nagpunta na rin ng ibang bansa para makatulong sa kanilang pamilya. Ang huling balita ko sa kanya ay nasa Maynila sya at ipinagpapatuloy ang kaniyang pag aaral. Hindi ko lang din alam kung nakatapos sya.
Sa kasalukuyan naman ay nagtuturo ako ng Mathematics sa isang paaralan dito sa Thailand. Hindi lang basta carry 1, borrow 1 ang tinuturo ko kundi Graph Theory, Discrete Math, Calculus, at kung ano ano pa. Hindi pa rin naman ako ganap na matagumpay sa larangan na napili ko ngunit s’ya ang naging inspirasyon ko kung ano ako ngayon.
Nakakapang hinayang naman si Bino bumagsak bigla ang career niya…Pero ganun nga talaga cguro ang buhay may nag tatagumpay at meron din namang nabibigo…Pero di pa naman siguro dun matatapos ang career niya, meron pa siyang ‘borrow one” para maituloy ang pag cocompute ng buhay nya…
Any way naapreciate ko ang Blog mo Ate, keep going sa pag susulat.. I know that you can touch somebody’s heart through your articles..
GBU